TPL_OFFCANVAS_EMPTY_ERROR
Previous Next

BiPSU ipinagdiwang ang taunang Buwan ng Wikang Pambansa

Sa layuning mapagtibay at maipalaganap ang kamalayan sa selebrasyon at kahalagahan ng Wikang Filipino at mga katutubong wika sa Pilipinas, sinimulan ng Biliran Province State University ang pagbubukas ng Buwan ng Wika sa himnasyo ng BiPSU, Agosto 8.
Nakabatay sa temang  “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha”, ang nasabing gawain ay dinaluhan ng mga opisyales ng BiPSU, guro, at mag-aaral mula sa iba’t ibang departamento at programa. 
Iginiit ni Dr. Victor C. Canezo Jr., pangulo ng unibersidad, ang mga mag-aaral at kaguruan na simulang isulong, isabuhay, isagawa at tuklasin ang maraming bagay na may kinalaman sa wika, kultura, kasaysayan at sining gamit ang wikang Pambansa.  
“Panahon na!,” wika niya. “Gamitin natin ang wikang Filipino hindi lamang sa tuwing tayo ay nakikipag-usap sa mga Tagalog o kaya ay sa tuwing tayo ay nagtuturo sa ating mga mag-aaral sa ating klase."
Hinimok din niya ang lahat ng mga dumalo na maging aktibo sa paggamit ng wikang Filipino at mga wikang katutubo sa pagsasagawa ng saliksik at mga inobasyon.
 “Simulan nating isulong ang pagsasagawa, paglikha at pagtuklas sa napakaraming bagay na may kinalaman sa ating wika, kultura, kasaysayan at sining gamit ang ating wikang Pambansa,” dagdag pa niya. 
Samantala, itinanghal din ng mga mag-aaral ng Bachelor of Secondary Education (BSED) 3C-Filipino ang kanilang dula na pinamagatang "Tuturuan Kitang Magmahal Muli" at "Tara na, sa Kulungan!", na isa sa mga haylayt sa unang araw ng selebrasyon. 
Dinaluhan din ito ni Prof. Annabelle L. Balderin ng Leyte Normal University, na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman at kabatiran ukol sa wikang Pambansa. 
Sa kabuoan, ang nasabing gawain ay naayon sa pagtupad sa Proklamasyon bilang 1041, na nilagdaan ng yumaong Pangulong Fidel V. Ramos, na nagtalaga sa buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa.
  • 1
  • 3
  • 0
  • 0
  • 0
  • 0

Brilliance. Innovation. Progress. Service and Unity
P.Inocentes St, Naval, Biliran Philippines 6560

(053) 507-0014
op@bipsu.edu.ph