Kinilala ang natatanging kontribusyon ng Biliran Province State University (BiPSU) sa pagpapayabong ng wika at kultura matapos gawaran ang kanilang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng "Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura 2025" ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang seremonya ng parangal ay ginanap sa Meridian Hall, Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City noong Agosto 19, 2025.
Ang parangal ay personal na tinanggap ni G. Jeson V. Vinas, ang Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng BiPSU. Ang BiPSU ay isa lamang sa pitong sentro mula sa buong Pilipinas na napili para sa prestihiyosong gawad na ito.
Sa isang naka-video na mensahe, ipinahayag ni Prof. Victor C. Cañezo, Jr.,, EdD, CHRP, Pangulo ng BiPSU, ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa KWF. Ayon sa kanya, ang parangal ay isang kumpirmasyon ng patuloy na suporta ng unibersidad sa mga gawaing pangwika, pangkultura, at pananaliksik na isinusulong ng komisyon.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na iginawad ng KWF sa SWK ng BiPSU ang "Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura" mula nang maitatag ang sentro noong 2016. Ang pambansang gawad na ito ay isang matibay na patunay na nananatiling buhay ang mga programang pangwika at pangkultura ng unibersidad sa kabila ng mga hamon ng modernisasyon at globalisasyon.
Ipinaliwanag ni Pangulong Cañezo na ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa tagline ng unibersidad na "WOW" o "Weaving of Worthiness". Ito, aniya, ay nangangahulugang ang bawat gawain ng BiPSU ay "paghahabi ng pagkakarapat-dapat o paghahabi ng kahalagahan". Ang pananaw na ito ay nakaugat sa mga saligang halagahan (core values) ng Brilliance, Innovation, Progress, Service, at Unity.
Pinasalamatan ng pangulo ang buong komunidad ng BiPSU at ang KWF sa pagkilala sa kanilang mga naging tagumpay sa pagtataguyod ng wika at kulturang Pilipino.
Ang lahat ng ito, ayon sa pangulo, ay tatak ng "WoW BiPSU" na kanilang taas-noong ipinagmamalaki.
-
0
-
0
-
0
-
0
-
0
-
0