- UMIO
- Read Time: 1 min
Nakiisa ang Biliran Province State University (BiPSU) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 na may temang "Filipino, Wikang Mapagpalaya," ngayong araw, ika-28 ng Agosto sa university gymnasium.
Sa pangunguna ng tanggapan ng Sentro ng Wika at Kultura, sa pamamagitan ni Direktor G. Jeson V. Vinas, ipinamalas ang iba't ibang pagtatanghal tulad ng mga dulang "Maling Akala," "Mga Huling Oras ni Rizal," at "Luhaang Maskara”. Sinundan ito ng pagbasa ng mga tula tulad ng mga likha ng Mga Makatang Biliranon, Balak, Siday, Garay, at Spoken Poetry. Ang mga pagtatanghal ay dinaluhan ng mga mag-aaral, kaguruan, administrador, at mga empleyado ng BiPSU.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Victor Cañezo, Jr., pangulo ng BiPSU, ang kahalagahan ng temang "Filipino, Wikang Mapagpalaya." Ayon sa kanya, ang tema ay nakasentro sa paggamit ng Wikang Filipino bilang wikang nagpapalaya hindi lamang mula sa mga pisikal na karahasan o sigalot kundi pati na rin sa mga personal na laban tulad ng mga mapang-abusong relasyon.
“Nais kong ipaalala sa lahat na ang Buwan ng Wika ay hindi lamang isang simpleng pagdiriwang, kundi isang panawagan, paalala at pagkakataon upang maibandila ang ating identidad bilang mga Pilipino. Ang ating wika ay mahalaga at mayaman, ito ang nagbubuklod sa atin bilang isang bansa. Gamit ito ay naipahahayag natin ang ating kultura, kasaysayan, at mga tagumpay bilang isang nagkakaisang lahing Pilipino,” ani ni Dr. Cañezo.
Dinaluhan din ang pagdiriwang ng tanyag na bisita na si Dr. Christian Tan Nery Aguado, Komisyoner at Kinatawan ng mga Wika Pamayanang Kultural ng Katimugang Pilipinas mula sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Samantala, ipinamalas naman ng mga kalahok sa Gg. at Bb. BiPSU 2024 ang kanilang husay sa pagsayaw ng kuratsa, isang tradisyonal na sayaw ng Rehiyon otso.
Sa pagtatapos ng selebrasyon, hinikayat ang lahat na gamitin ang Wikang Filipino bilang kasangkapan sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa sa bansa. "Ipagpatuloy natin ang pagyakap at pagmamalaki sa wikang Filipino, na sumasalamin sa ating kultura at pagkakakilanlan," wika ng tagapagsalita.
#WoWBiPSU